"BEARING"
Isang umaga napansin ko na ang side wheel ng aking tricycle ay umaalog, sa aking pasisiyasat napag alaman ko na ang bearing pala ay basag na. upang makatipid bumili na lang ako ng pamalit sa pinakamalapit na spare parts shop.
"Papa para san yan?" ang agad niyang tanong.
" Ah, ang bearing na ito ay para maging maayos ang pag ikot ng gulong ng ating tricycle, kapag nabasag ito dapat palitan, kung hindi maaaring masira pati ang ibang piyesa at wala tayong magagamit pag may pinupuntahan tayo o kaya pag papasok ka sa school." ang paliwanag ko sa kanya.
" Yong gulong ng bike ko may bearing din po ba?" tanong nya ulit.
"Oo, kadalasan lahat ng umiikot sa mga sasakyan, kasangkapan at kung anu ano pa ay may bearing para maging maayos ang pag ikot nito, pag sira na dapat palitan din." Dagdag kung paliwanag sa anak ko.
"Sabi ni teacher ang mundo daw ay bilog at umiikot din pag nasira ang bearing sinong magpapalit?"
Nagulat ako sa tanong niya, di ko alam ang isasagot ko, alam kong di siya titigil hanggang di ko nasasagot ang tanong niya, at dapat maging tugma ang sagot ko.
"Anak, ang mundo ay para ding sasakyan at mga kasangkapan, mayroon din itong ibat ibang bahagi. Kung ito ay gagamitin ng tama at maayos hindi masisira ang anumang bahagi nito sapagkat ito ay napakatibay, ngunit kung di magiging responsable ang lahat ng tao sa mundo, masisira ang iba't ibang bahagi ng mundo, di naman natin pwedeng palitan dahil walang nabibiling piyesa para dito di tulad ng tricycle." sagot ko sa anak ko
Hindi ko alam kung nakumbinsi ko siya sa sagot ko pero wala akong ibang alam na pwedeng ipaliwanag ko sa kanya. Tumango siya pero parang nag iisip pa din, o maaaring iniisip nya ang sinabi ko.